Ito ang inihayag ng ilang NBI investigators na tumututok ngayon sa kaso kasabay nang pagsasabing ang naturang payong ay may tatlong ulit na isinaksak sa katawan ng aktres.
"Ang payong na duguan at nawasak ay natagpuan malapit sa duguang bangkay ni Nida sa loob ng kanyang Nissan Sentra. Pero sinasabing ito (ang payong) ay pag-aari ni Rod Strunk ", dagdag pa ng imbestigador.
Kasabay nito, sinabi naman ni NBI case spokesman Ric Diaz na ikukumpara nila sa darating na weekends sa mga elemento ng Police Scene of the Crime Operations (SOCO) na silang nag-secured sa crime scene ng umagang maganap ang krimen ang mga nakuha nilang ebidensiya at forensic evidence.
"Nais naming matiyak kung saan talaga nakalagay ang mga ebidensiya", dagdag pa ni Diaz.
Samantala, sasailalim na rin sa pagtatanong ng NBI ang isang reporter ng radyong DZAR (Angel Radyo) matapos na makapag-ere ito ng istorya ilang minuto lamang matapos na matagpuan ang bangkay ng aktres sa parking area ng Atlanta Towers sa Greenhills, San Juan.
Ang reporter ay si Frederick "Red" Cruz na sinasabing pamangkin umano ng personal secretary ni Blanca na si Elene dela Paz, na bumagsak sa ikalawang lie detector test ng NBI.
Sinasabing agad na nai-ere ni Cruz ang istoryang pagkatagpo sa labi ng aktres dakong alas-8:20 ng umaga samantalang natagpuan ang katawan ng aktres dakong alas-8:16 ng umaga ng Nobyembre 7.
Kaugnay nito, nakatakdang makipag-ugnayan ang NBI sa station manager ng DZAR upang hingin ang orihinal at kumpletong report ni Cruz ukol sa kaso. (Ulat nina Mike Frialde at Ellen Fernando)