5 big time carnappers arestado

Limang pinaghihinalaang bigtime carnappers kabilang ang tatlong lider ng grupo ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila at karatig lalawigan kamakailan.

Ayon kay PNP-TMG director Chief Supt. Renato Paredes, nagresulta rin ang isinagawang anti-carnapping operation sa pagkabawi ng labing-walong magagara at mamahaling uri ng sasakyan.

Nakilala ang tatlong naarestong lider ng grupo na sina Victor Ignacio, alyas Cocy, 28; Benjie Garcia, 26 at Ricky Bolintian, 28.

Kabilang pa sa nalambat ang dalawang galamay ng grupo na siyang nagbebenta sa mga ninakaw na sasakyan na nakilalang sina Regcy de Guzman at Rudolf Azcueta.

Kabilang naman sa mga nabawing sasakyan ang isang Isuzu Extreme, 3 Mitsubishi Lancer, 4 na Nissan Urvan 2000, 2 Mitsubishi Adventure, 3 Isuzu Hi-lander at isang Nissan Terrano.

Magkakahiwalay na natagpuan ang mga sasakyan sa Parañaque, Batangas, Quezon, Tondo at sa Pampanga. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments