13th month bonus at pension pinamudmod na ng SSS

Sinimulan na ng Social Security System (SSS) ang maagang pamamahagi ng monthly pension at 13th month bonus para sa may 800 libong mga pensioners ng ahensiya nationwide.

Ayon kay SSS Vice President for Media Affairs Joel Palacios, minabuting mas maaga nilang maiparating ang benepisyo ng mga pensioners ng ahensiya upang makatulong ang pondo sa gastusin sa panahon ng holiday season.

Sinabi nito na taunan nilang ginagawa na maibigay ng mas maaga ang pamamahagi ng naturang benepisyo sa mga pensyonado ng SSS upang maalalayan ang mga pangangailangang pinansiyal tuwing Kapaskuhan.

Kaugnay nito, umaasa naman si Palacios na maaga ring maibibigay ng mga accredited banks ang pagre-release ng pondo para maaga namang mapaligaya ang mga nabanggit.

"Ang naturang hakbang ay isang paraan ng ahensiya na maagang maramdaman naman ng mga pensioners ang diwa ng Kapaskuhan," pahayag ni Palacios.

Gayunman, sinabi ni Palacios na kung magkakaroon man ng iregularidad sa usapin ng pagtanggap ng pension ng mga pensionado ay bukas umano ang tanggapan ng SSS para aksiyunan ang anumang reklamo kaugnay ng nabanggit na benepisyo. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments