PNP No.1 abusado sa human rights

Tuluyan nang pinatunayan ng taunang ulat ng Commission on Human Rights (CHR) kahapon na ang Philippine National Police (PNP) ang siyang pinakabagong berdugo sa pang-aabuso ng karapatang pantao sa bansa.

Sa opisyal na taunang ulat na ipinalabas mula sa tanggapan ni CHR Chairman Aurora Recinas ay nakuha ng PNP ang may pinakamaraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa buong taon. Nasa Metro Manila ang konsentrasyon ng dami ng reklamong pang-aabuso ng mga pulis, partikular sa kanilang mga inaarestong suspek.

Ang pagkakaluklok ng PNP bilang nangungunang human rights violators sa bansa ay naglaglag naman sa militar bilang pangunahing tagapaglabag sa karapatang pantao. Nauwi sa ikaapat na puwesto ang militar sa mga ahensya ng pamahalaan na may pinakamaraming kaso ng pang-aabuso.

Nakopo naman ng civilian bodyguards ng mga nakaupong opisyal sa pamahalaan ang ikalawang puwesto sa top 4 human rights violators sa bansa.

Sinabi sa ulat ng CHR na naging kapuna-puna ang paglobo ng kaso ng pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga civilian bodyguards ng mga alkalde, gobernador at iba pang nahalal na opisyal sa mga lalawigan at gayundin naman sa mga pangunahing lungsod sa bansa.

Mga kasong kinabibilangan ng rape, murder, kidnapping, abduction at serious physical injury ang lumutang na mga reklamo ng mga biktimang sibilyan na nauwi sa pormal na paghahain ng kaso sa mga ito.

Napunta naman sa ikatlong puwesto ang New People’s Army o NPA sa dami ng nilabag na karapatang pantao na kinabibilangan ng pananambang, panununog ng mga ari-arian sa tuwing mabibigo ang mga ito na makakulekta ng revolutionary taxes.

Sa kabila ng pagkakaroon ng bagong ahensya ng pamahalaan na ikinategorya bilang nangungunang tagapaglabag sa karapatang pantao ay sinabi ni Recinas na hindi nangangahulugan na sila ay guilty na sa inireklamong pang-aabuso.

Sinabi ni Recinas na bahagi ng tungkulin ng mga pulis sa kanilang pagpapatupad sa umiiral na batas ang sumalungat sa umiiral namang karapatang pantao. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments