Rollback sa pasahe ibinasura

Walang pagbaba sa pasahe sa lahat ng pampublikong sasakyan matapos na ibasura ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon ng isang transport group para sa P.50 rollback dahil sa teknikalidad.

Sa memorandum na ipinadala ni LTFRB Chairman Dante Lantin kay Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Pantaleon Alvarez, sinabi nito na tuluyan na nilang hindi aaprubahan ang petisyon na isinumite ng Philippine Confederation of Drivers’ Organization-Alliance of Concerned Transport Operators (PCDO-ACTO) noong Oktubre 29, 2001.

Ikinatwiran ni Lantin na nagkamali umano ang PCDO-ACTO sa pagdedeklara na ang kasalukuyang pasahe umano ngayon ay P4.50 minimum kada unang limang kilometro at nais nilang ibaba sa P4.

Sinabi nito na hindi umano sila makakaakto sa isang petisyon kung saan una nang inisyu ng LTFRB na P4 na minimum na pasahe noong Oktubre 4, 2000 pa.

Ito rin umano ang katwiran ng tatlong transport groups tulad ng Pambansang Kalipunan ng mga Kooperatibang Pansasakyan (PKKP), Federation of Rizal Transport Service Dev. Cooperatives at Operators Transport Service Cooperative na nagsampa ng petisyon para ibasura ang kahilingan ng pagbaba sa pasahe ng PCDO-ACTO sa pamumuno ni Efren de Luna.

Ayon kay Lantin, dapat umanong nakasaad sa petisyon na ibaba mula P4 patungo sa P3.50 minimum pasahe kada unang 5 kilometro. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments