Rapist-killer ng La Salle stude nasakote

Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Muntinlupa police ang pangatlong pangunahing suspect na sangkot sa panghahalay at pagpaslang sa 21-anyos na estudyante ng La Salle na natagpuan ang bangkay sa isang creek sa Parañaque siyam na buwan na ang nakakalipas.

Ang dinakip ay si Donardo Pagkalinawan, 45, alyas Donald at Donkey. Hindi na nanlaban pa si Pagkalinawan nang arestuhin sa kanyang tinitirhan sa Bayanan, Muntinlupa.

Ang suspect ay sangkot sa panghahalay at pagpaslang sa La Salle student na si Claudine Feliciano.

Samantala, dalawa pa sa kasamahan nito sa isinagawang karumal-dumal na krimen ang nananatiling nakakalaya at target ng operasyon ng pulisya.

Magugunitang una nang nadakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawa pang suspect na sina Ernesto Beri at Nieves Constancio.

Matatandaang ang halos walang saplot na katawan ni Feliciano na may malalim na sugat sa ulo ay natagpuang itinapon sa creek sa Parañaque noong nakalipas na Marso ng taong kasalukuyan , samantalang ang kanyang sasakyan ay narekober sa Makati.

Nabatid pa sa pulisya na ang grupo din ni Pagkalinawan ay sangkot din sa serye ng pagpaslang partikular na sa mga kababaihang nagda-drive ng kanilang mga sasakyan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments