Dahil sa 'badshot' na tira, spotter napatay

Dahil sa "badshot" na tira, isang jeepney driver na spotter ang napatay makaraang pagtulungang bugbugin at saksakin ng magkapatid at kaibigan nito sa Quezon City kamakalawa.

Ang biktima na si Edilberto Ramos, 35, ng 65 Sampaguita St. Maligaya Park ng Brgy. Pasong Putik ay namatay habang ginagamot sa Neopolitan Hospital dahil sa malalim na saksak sa dibdib.

Agad namang nakatakas ang magkapatid na suspek na kinilalang sina Budi at Marlon Veronica at kaibigang si Mario, kapwa residente ng Maligaya Park, Brgy. Pasong Putik.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Bullrun Billiards sa Sampaguita St.

Naglalaro ang mga suspek at biktima ng bilyar nang pumalso ang tira ni Mario ay naging dahilan para tawaging "badshot" ito ni Ramos.

Nagalit si Mario hanggang sa umabot sa mainitang pagtatalo at nauwi sa suntukan.

Dahil agrabyado, tumulong ang dalawang magkapatid na Veronica na pawang armado ng patalim at walang habas na sinaksak ang biktima.

Duguang bumagsak si Ramos habang mabilis namang tumalibas ang mga suspek. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments