Sinabi ni Cayetano na maganda ang naisip ni Aglipay upang tugunan ang problema ng mga paghihinala na ang pulis ang siyang nasa likod ng pagkawala ng ilang suspek na kanilang inaresto o kayay kinikikilan lamang ito.
Ngunit para kay Cayetano, ang isang oras na paghahayag ng aresto ay masyadong matagal dahilan sa marami na ngayong mga makabagong kagamitan ang pulis gaya ng handheld radios o kayay cell phones.
Kung wala naman ang bagay na ito, maaari namang tumawag sa telepono upang iulat ang mga detalye ng inarestong suspek kabilang ang pangalan nito, ano ang kaso at saan naganap ang pag-aresto.
Masyado anyang mahaba ang isang oras upang ipabatid lamang ng isang pulis na mayroon sila o siyang inarestong tao at kung ito ay babae, posible pang magahasa ito o makikilan dahilan sa tagal bago ito ihayag.
Dapat ding ihayag anya ng mga pulis sa kanilang paunang ulat na kung ang pag-aresto ay mayroong warrant of arrest o wala at kung ano ang siyang dahilan ng pagkakahuli nito.
Hindi biro ang tambak nang kaso ng mga alagad ng batas na inereklamo ng kanilang mga hinuli na sila ay ginahasa pa muna bago ito pinawalan at ang higit na maswerte ng kaunti ay nakikilan lamang.
Alin man sa mga ito ay hindi dapat na magawa ng sinumang alagad ng batas dahilan sa kinikilala ng ating saligang batas ang karapatan ng sinumang suspek hanggang hindi ito napapatunayan sa korte.
Naniniwala si Cayetano na malaki ang maitutulong nito sa pagpapatino sa mga abusadong pulis na siyang madalas na inirereklamo at tuloy mabago na ang imahe ng hanay ng pulisya.
Sinariwa ni Cayetano nang siya ay nasa kabataan pa lamang na malaki ang kanilang respeto sa mga alagad ng batas dahilan sa batid nilang ito ang siyang nagbibigay sa kanila ng proteksiyon at hindi dapat na katakutan na siyang nangyayari ngayon. (Ulat ni Rudy Andal)