3 kotse natangay sa loob ng 30 minuto

Tatlong sasakyan ang tinangay ng mga hindi nakilalang carnapper sa loob lamang ng tatlumpung minuto sa magkakahiwalay na lugar, kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Unang iniulat ng Anti-Carnapping Unit ng Makati City na tinangay ng mga carnapper ang puting Toyota Land Cruiser (WJR-202) na pag-aari ni Leonardo Aguinaldo, negosyante.

Sinabi ni Aguinaldo na ipinarada umano niya ang kanyang mamahaling sasakyan sa tapat lang ng kanyang bahay sa may J.P. Rizal Avenue, Brgy. Olympia, matapos ang kanyang trabaho.

Hindi pa ito lubos na nakapagpapahinga nang katukin ng kanyang kapitbahay at sabihing dalawang lalaki ang nakapasok sa loob ng kanyang sasakyan at tinangay ito.

Makaraan ang 10 minuto, sinunod naman ng ilang kalalakihan ang Toyota Corola (UPB-711) ni Sofronio Untallan Jr., habang nakaparada ito sa tapat ng kanyang bahay sa may Pilala St., Bgy. Valenzuela.

Nang labasin niya ito ay nadiskubre niyang nawawala na ito kung saan isang kapitbahay ang nagsabing dalawang lalaki ang nakita nilang sakay ng kotse. Nagsisisi ngayon si Untallan dahil sa huli na nang maisipan nito na ipasok sa garahe niya ang sasakyan.

Tinangay rin ng naturang grupo ng carnapper dakong alas-9:30 ng gabi ang owner type stainless jeep ni Sergio Fulgencio, 32, kapitbahay ni Untallan. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments