Binuwag ni Roco ang naturang dalawang pagsusulit dahil sa wala umanong ginagawang pagbabago ang mga paaralan sa loob ng walong taong implementasyon nito kundi ang ipagmalaki ang kanilang passing rate upang makahatak ng mas maraming estudyante sa mga pribadong paaralan.
Hahalili naman dito ang binuo ni Roco na diagnostic tests na isa umanong modified version ng dalawang pagsusulit na ipapatupad sa ilang sample group ng grade 3, grade 5, 1st at 3rd year high school students.
Sinabi ni Roco na layunin ng mga eksaminasyong ito na ma-monitor nila ang pag-unlad sa pag-aaral ng mga mag-aaral na isasailalim sa pagsusulit upang magawan ng paraan ng departamento kung saan nila mapapalakas ang pagtuturo sa mga ito.
Tatalakayin sa naturang pagsusulit ang mga aralin sa Math, Reading at Science na kasalukuyang binubuo na ng National Educational Testing and Research Center. Hindi tulad ng NEAT at NSAT, ipapatupad lamang ito sa ilang paaralan.
Nagbabala naman si Roco sa mga guro na huwag magbenta ng reviewer sa mga mag-aaral dahil sa hindi ito kailangan dahil sa walang special review na gaganapin.
Ang mga resulta sa pagsusulit ay malaman lamang umano ng mga opisyal ng paaralan dahil sa hindi ito makakaapekto sa grado ng mga kukuha nito. (Ulat ni Danilo Garcia)