Ayon kay Councilor Benjamin Asilo ng unang distrito, isang kasamahan niya ang nanguna sa magpapasa ng resolusyon sa konseho na kanilang kakatigan. Ito ay humihiling na magsagawa ng imbestigasyon sa nasabing anomalya dahil ito ang pangunahing dahilan upang lalong tumaas ang sinisingil ng mga funeral parlor sa pamilya ng namatay bilang serbisyo.
Nabatid sa nasabing resolusyon, hinihiling nila kay WPD district director Nicolas Pasinos na magsagawa ng probe laban sa mga mapagsamantalang kagawad ng pulisya na nagre-refer sa dead bodies ng mga biktima sa ilang kasabwat na funeral parlors at saka kokolekta ng kanilang komisyon.
Sinabi ni Asilo na naunahan lamang siya ni Miguel Cuna sa pagsusumite ng nasabing panukala dahil alam niyang ito ang paraan upang wakasan ang reklamo ng mga kamag-anakan ng namatay na nagtutungo sa kanilang mga bahay at maging sa kanilang mga tanggapan sa Manila City Hall ay naghahain ng reklamo laban sa mga punerarya na sinasabing sobrang taga kung maningil sa kanilang serbisyo o sa pagsasagawa ng awtopsiya sa mga bangkay.
Niliwanag pa ng konsehal na ang bayad o komisyon na sinasabing tinatanggap ng mga pulis na nagturo o nagpadala ng mga bangkay ay dinadagdag ng mga funeral parlors sa kanilang sinisingil sa mga kaanak ng nasawi. (Ulat ni Andi Garcia)