Ipinamimigay na P 500 sa weekly forum ni Mayor Atienza saan galing?

Saan ba nanggagaling ang ipinamumudmod na pera sa tuwing isinasagawa ang weekly forum ni Manila City Mayor Lito Atienza?

Ito ang malaking katanungan ng mga mamamahayag na nakikinabang at hindi naman nakakatanggap ng tig-P500 na dumadalo sa lingguhang forum ni Mayor Atienza. Ang iba, inaabutan ng P250, depende sa media entity.

Kada Biyernes bandang alas-8 ng umaga ay idinadaos sa iba’t ibang venue ang forum ni Mayor Atienza na dinadaluhan ng mga media practitioners.

Madalas na ginaganap ang pakikipag-ugnayan sa media ng nasabing Alkalde sa Pan Pacific Hotel sa Gen. Malvar St. Malate, o sa isang piling restaurant at sa Bulwagan sa Manila City Hall.

‘‘Maganda ang mga proyekto ng Alkalde kaya nararapat lamang na maiulat ito sa publiko kaya hindi na kailangan pang perahan ang media,’’ anang isang mamamahayag.

May posibilidad umano na ‘ibinubulsa’ pa ng mga malalapit kay Mayor ang pera na inilalaan sa media dahil hindi naman umano ito nakakarating sa iba. Nagiging dahilan din umano ito ng demoralisyon sa hanay ng mamamahayag dahil sa tingin ng ibang grupo na nagko-kober sa Manila City Hall ay mga ‘‘bayaran’’ ang mga dumadalo sa naturang forum. Bukod dito, hindi rin patas ang trato ng PR officer ng Alkalde sa media.

Dahil sa dinadagsa ang forum ay tinatayang umaabot sa P50,000 o higit pa ang ginagastos kada linggo at tinatayang umaabot sa P200,000 o higit pa kada buwan. Gayunman, marami ang nagtatanong kung sa bulsa ba ng Mayor o sa kaban ng bayan mula sa pondo ng lokal na pamahalaan ng lungsod nagmumula ang naturang gastusin sa media forum? (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments