Sa House resolution No. 284 na inihain ni Valenzuela Rep. Magtanggol Gunigundo, sinabi nito na dapat alamin kung papaanong nakatakas si Kang Tai Kun na pumasok sa bansa noong Setyembre 11 mula sa Xiamen, China sakay ng Flight PR 337 at nahulihan ng walong kilo ng shabu na itinago sa isang ceramic jar.
Dapat umanong ipaliwanag ng mga opisyal ng customs sa NAIA kung bakit nila pinakawalan si Kang Tai Kun, isang Taiwanese passport holder.
"Ang nakapagtataka pa, pinabayaan ng mga opisyal na ito ang suspect na makaalis ng bansa noong Setyembre 15, 2001 sakay ng China Airlines Flight CI 638", ani ni Gunigundo.
Kaugnay nitoy nanawagan si Gunigundo sa House Committee on Dangerous Drugs at Good Government na bilisan ang pagpapatawag sa mga customs officials upang makapagpaliwanag ang mga ito. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)