Sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Crame, nakilala ang mga nadakip na suspect na sina Chua Chi Li, 37; Huang Hoing Wei,34; Ronal Yao Cruz, 25; Chua Lin Yen, 20; Joey Lu Cruz, 25; Tomas Lu, 34; Xin Wang, 31, at isang Wen Jin Cai, 23 at sina Luven San Juan Llamas, 19; Geneveve Purisima, 20 at Analyn Verdeflor, 23, pawang mga Filipina.
Batay sa isinumiteng ulat ni PNP National Capital Region Police Office chief, Deputy Director Edgardo Galvante kay PNP chief Director General Leandro Mendoza ang pagdakip ay isinagawa kamakalawa matapos ang isang buwang masusing surveillance operations sa bahay ng suspect na si Wang, tubong Fujan, China na sinasabing lider ng malaking grupo ng sindikato sa 44 San Agustin, Capitol 8 Subdivision sa nabanggit na lungsod.
Nakumpiska sa mga suspect ang may limang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng may P10 milyong piso na nadatnang nakaimbak sa bodega sa likuran ng bahay ng suspect.
Naaktuhan din ng mga awtoridad na isinasaproseso ng mga suspect ang isang timba na naglalaman pa ng shabu na pinapatuyo para maging pinong kristal at walong container na naglalaman ng 210 litro ng mga kemikal na ginagamit para sa paggawa ng naturang droga.
Ilang armas kabilang ang dalawang Ingrams machine pistols na may isang silencer, mga bala ng Uzi at isang claymore bombs na may blasting caps at detonating cords ang nasamsam.
Kaugnay nito, patuloy pa ring inaalam ng PNP kung paano nakapasok sa bansa ang mga Chinese drug traffickers na hinihinalang kasabwat ng malalaking network ng shabu dealers sa China at aktibong nagsasagawa ng operasyon sa bansa. (Ulat nina Joy Cantos at Lordeth Bonilla)