Utak ng tao, laman-loob at 11 fetus itinapon sa ilog Pasig

Isang kilalang pamantasan sa Metro Manila ang siyang hinihinalang responsable sa pagtatapon ng spareparts ng tao na kinabibilangan ng utak, bituka, kidney at 11 fetus sa Ilog Pasig kahapon ng madaling araw ayon sa ulat ng Western Police District (WPD).

Isang opisyal ng Philippine Coastguard na nagpapatrulya kahapon ang nakasaksi ng personal sa naganap na pagtatapon ng nasabing mga vital organs ng tao at ng mga kulang sa buwan na sanggol sa daungan sa Pasig River na nasasakop ng Mulelle De La Industria at panulukan ng Madrid at Binondo, Manila.

Sinabi ni 1st Lt. Grade Angelo Spregante na nakita niya ang limang kahina- hinalang lalaki na bumaba sa isang puting Elf van dakong alas-4:00 a.m. at may buhat-buhat na isang sako.

Mabilis na ibwinelta ni Spregante ang tug boat na kaniyang sinasakyan at tinahak ang direksyon patungo sa limang suspek.

Gayunman mabilis na nakatakas ang limang suspek sakay ng Elf van, tinangkang habulin ni Spregante ang sasakyan upang makuha ang plate number pero nabigo ito.

Labing-isang garapon na naglalaman ng mga duguan pang fetus ang nakita ni Spregante at sa iba pang magkahiwalay na garapon ay nakasilid ang utak, bahagi ng bituka, kidney at iba pang hinihinalang laman loob ng tao.

Sinabi ni Athos De Quiros ng WPD Homicide na tinitingnan din nila ang anggulo na isang abortionist ang responsable dito bagamat mas malaki ang kutob nila na isang grupo ng mga medical students sa isang medical school sa Metro Manila ang siyang may gawa nito dahil sa internal organs na bahagi ng isa sa mga anatomy subjects ng mga ito.(Ulat ni Andi Garcia)

Show comments