2 lalaking galit sa guwapo, arestado

Dahil sa inggit sa pagiging guwapo umano ng kanilang kapitbahay, pinagtripan at sinaksak ng dalawang lalaki na sabog sa droga ang isang 29-anyos na binata, kahapon ng madaling araw sa Pasig City.

Nasa kritikal na kondisyon ngayon sa Rizal Medical Center dahil sa saksak na tinamo sa tagiliran ang biktimang si Nilo Tejada, residente ng Mansanas St., Napico, Barangay Manggahan ng lungsod na ito.

Agad namang naaresto ang mga suspect na sina Junior Manding, 19 at Efren Trillo, 20, mga kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ng pulisya, nabatid na naglalakad mag-isa pauwi sa kanilang bahay ang biktima nang mapadaan sa tapat ng mga suspect.

Hindi pa nakakalayo ang biktima nang lapitan siya ng mga suspect at sinabihan siya na ‘galit sila (suspects) sa mga guwapong lalaki’.

Hindi na nakaporma pa ang biktima ng sapakin siya ng isa at tuluyang bugbugin. Dahil dito, nanlaban ang biktima dahilan naman upang saksakin siya ng isa sa mga suspect. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments