Ex-DPWH director kinidnap

Dinukot ng mga armadong kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na kidnap-for-ransom (KFR) group ang dating director ng Department of Public Works and Highway (DPWH) sa Region 4 habang ito ay papauwi sa kanyang tahanan sa Ayala, Alabang, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Chief Superintendent Domingo Reyes Jr., Police Regional Office (PRO) 4 director ang kinidnap na si Engr. Romeo Panganiban, 54, residente ng Ayala-Alabang sa Muntinlupa City.

Ayon sa mga imbestigador, humihingi umano ng P100 milyong ransom sa pamilya ng biktima ang mga kidnappers.

Batay sa sketchy report na nakarating kahapon sa Camp Crame, sakay umano ang biktima ng kanyang Toyota RAV 4 dakong alas-9 ng gabi sa isang sabungan sa Sta. Cruz, Laguna pauwi sa kanilang bahay sa Alabang nang harangin at dukutin ng mga armadong kalalakihan na lulan ng isang pribadong sasakyan.

Sinabi ni Reyes na inaalam pa nila kung saang partikular na lugar dinukot ang biktima ngunit posible umano na nangyari ito sa highway ng Parañaque o di kaya ay ng Muntinlupa City.

"Hindi pa natin malaman kung saang lugar siya dinukot", dagdag pa ni Reyes.

Nabatid na ang biktima ay may resthouse sa Sta. Cruz, Laguna na kanyang binisita.

"Tinitingnan pa natin ang lahat ng anggulo, pinipilit naming makuha ang pahayag ng mga kamag-anak para sa mga detalye, apparently sa kanila kumokontak yung mga kidnappers," dagdag pa ni Reyes. (Ulat nina Joy Cantos at Ed Amoroso)

Show comments