Nakilala ang mga nasugatan na sina Chairman Carmelito Gonzaga, ng Brgy. Ilaya, Mandaluyong; mga residenteng sina Napoleon Clerigo, 26, overseas contract worker (OCW); Raul Escudero, 30, empleyado ng isang printing press at dalawa pang hindi nakilalang residente.
Naaresto naman ang isa sa mga suspect na nakilalang si Gilbert Rabe, 24, habang nakatakas naman ang dalawa niyang kasamahan.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa loob ng barangay hall ng naturang lugar kung saan isang lamay ang nagaganap.
Nabatid na hindi umano makatulog ang mga suspect na nakatira sa isang barung-barong sa ilalim ng Mandaluyong-Makati bridge at inis na nagtungo ang tatlo sa umanoy maiingay na bisita ng naturang burol.
Dito naghagis ng isang pillbox na sumabog sa gitna ng mga tao. Dahil sa lakas ng pagsabog, nabasag ang mga salamin ng barangay hall at maging ang ataul ng bangkay.
Hinabol naman ni Gonzaga ang mga suspect sa kabila ng sugat niya ngunit agad siyang sinuntok sa mukha ng suspect na si Rabe. Dito na umano siya nagbunot ng kanyang kalibre .38 baril at tinutukan ito. (Ulat ni Danilo Garcia)