Malaysian national, misis timbog sa shabu na nakapalaman sa birhday card

Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Malaysian national at ang asawa nitong Pinay makaraang tangkain na ipuslit palabas ng bansa ang di pa batid na dami ng shabu na nakapalaman sa birthday card.

Kinilala ni BI Commissioner Andrea Domingo ang mga suspect na pinaniniwalaan couriers ng malaking sindikato ng droga na si Baji Mohammad Sharil Bin Hah Ibrahim, 25, at ang asawa nitong si Jasmin Bonao Castillan, 22, tubong Davao City.

Sinabi ni Domingo na ang mag-asawa ay nadakip bago pa man makasakay ang mga ito sa barkong M/V Mary Joy II sa daungan ng Zamboanga patungong Sandakan, Malaysia.

Inamin naman ng mga suspect sa isinagawang interogasyon na ang kanilang tangkang ipuslit na shabu ay para sa isang nagngangalang Vanessa Rodriguez na nagtatrabaho sa Malaysia.

Nabanggit pa ng mga ito na ang mga greeting cards na kanilang dala-dala ay buhat naman sa isang Jimmy dela Cruz.

Ang dalawa ay itinurn-over na sa Philippine Center for Transnational Crimes para sa isasagawang imbestigasyon at paghaharap ng kaso. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments