Hindi na umabot pang buhay nang isugod sa pagamutan ang isa sa mga suspect na nakilalang si Rino King Ocampo bunga ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan.
Samantala, nasa kritikal namang kondisyon ang isang miyembro ng Citizens Crime Watch na nakilalang si Rodindo Montero na kasama ng pulisya na nagresponde sa insidente.
Dalawa pa sa mga suspect ang nakapiit ngayon sa WPD Sta.Mesa police station 8. Sila ay nakilalang sina Rodel Nino, 24, at Ronald Mendoza, 28.
Ayon sa ulat naganap ang engkuwentro ng pulisya at ng grupo ng mga holdaper dakong ala-1:55 ng madaling araw sa panulukan ng Fortuna at Ramon Magsaysay Blvd. sa Sta Mesa.
Nabatid na nagresponde ang mga awtoridad sa naturang lugar makaraang makatanggap ng ulat na may tatlong lalaki lulan ng motorsiklo ang umaaligid sa lugar at may kahina-hinalang kilos.
Nang marating ng pulisya ang lugar ay agad silang namataan ng mga suspect at agad silang pinaulanan ng putok ng baril.
Dahil dito napilitan ang mga awtoridad ng gumanti ng pagpapaputok na dito tinamaan si Ocampo. Hindi naman nakapalag pa ang dalawang kasamahan nito ng makitang duguan na ang kanilang kasamahan. (Ulat nina Grace Amargo at Andi Garcia)