Ito ay makaraang pormal na sampahan ng kasong rebelyon si Ronald Lumbao sa tanggapan ng State Prosecutor sa Maynila kahapon ng umaga.
Ang pagsasampa ng kasong rebelyon na may nakalaang parusang kamatayan ay base sa mga nakalap at iniharap na ebidensiya ng intelligence service ng AFP at ng National Bureau of Investigation.
Ang 40-anyos na dating street parliamentarian na biglang umiba ng ideolohiya ay kasalukuyan pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad.
Ang partisipasyon ni Lumbao na pangulo at spokesperson ng Peoples Movement Against Poverty ay ang paghihikayat nito sa libu-libong mga tagasuporta ng napatalsik na Pangulong Joseph Ejercito Estrada na magmartsa patungong Malacañang at pasukin ito upang makubkob ang Palasyo.
Base sa iniharap na mga dokumento ay sinasabi na lumabag si Lumbao sa Article 134 ng Revised Penal Code o Rebellion.
Ginamit sa iniharap na dokumento ang direktang pananalita ni Lumbao na nagsasaad ng... Lusubin ang Malacañang! Lusob, Lusob! Ngayon na, ngayon na, lusob na, lusob!
Sa resolusyon naman na iniharap ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), ay sinasabi na namuno si Lumbao ng napakalaking bilang ng Pro-Estrada rallyist sa EDSA Shrine at hinikayat itong lusubin ang Malacañang at patalsikin si President Gloria Macapagal-Arroyo. (Mga Ulat nina Andi Garcia at Grace Amargo)