Tumanggi sa utos hinataw ng tubo, patay

Isang bodegero ang hinataw ng tubo hanggang sa mamatay makaraang tumanggi ito sa utos ng kanyang foreman na pagnakawan umano ang kompanya ng mga construction materials kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Agad namatay si Allan Ancheta ng Paltok, Del Monte Avenue ng nasabing lungsod makaraang mabasag ang bungo nito.

Nadakip naman ang suspek na si Melchor Tumbaga, 27, foreman at nakakulong ngayon sa detention cell ng Central Police District.

Base sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong 8:10 ng gabi sa bodega ng Marcel Drive sa Brgy. Sangandaan ng nasabing lungsod.

Inutusan ng suspek ang biktima na maglabas ng ilang materyales at kanilang ibebenta upang magkaroon ng ekstrang kita.

Pero tumanggi ang biktima sa utos dahil napakabait naman umano ng kanilang amo kaya’t hindi dapat ito pagnakawan.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa nauwi sa suntukan, ngunit nang makadampot ng isang tubo ang suspek ay mabilis na hinataw sa ulo ang biktima ng apat na beses na ikinasawi nito. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments