Pulis binoga ng sundalo

Isang pulis ang iniulat na binaril at napatay ng isang sundalo, kamakalawa ng hapon sa Quezon City.

Nakilala ang biktima na si PO1 Anthony Cadiente Jr., 27, nakatalaga sa computer service ng Camp Crame at residente ng Kalye Putol-Putol, Brgy. Libis sa nasabing lungsod.

Tumakas naman ang suspect na si Private First Class Edgar Balbuena na nakatalaga naman sa Camp Aguinaldo.

Batay sa ulat ng pulisya, ganap alas-3 ng hapon habang ang biktima ay naglilinis ng kanyang kotse sa may Canlas Parlor sa Brgy. Libis, Quezon City.

Nabatid na matagal na umanong iniispatan ng suspect ang biktima dahil sa matagal na itong may galit sa huli. Napag-alaman na may dati nang alitan ang dalawa.

Kamakalawa ay nag-krus ng landas ng dalawa sa nasabing lugar hanggang sa bigla na lamang binunot ni Balbuena ang kanyang baril at walang sabi-sabing pinaputukan sa batok ang biktima.

Mabilis na isinugod sa Labor Hospital ang biktima subalit nasawi, habang nilalapatan ng lunas.

Agad namang tumakas ang suspect matapos ang insidente. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments