Estudyante kritikal sa gang war

Kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan ang isang 18-anyos na estudyante matapos na mawasak ang mukha nang bagsakan ng isang hollowblock nang sumiklab ang ‘gang war’ sa pagitan ng dalawang magkalabang fraternity, kamakalawa ng madaling araw sa Sampaloc, Maynila.

Kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa UST Hospital ang biktimang si Jordan Marcelino, ng Antipolo St., Sampaloc sanhi ng mga tinamong sugat sa katawan at basag sa mukha.

Samantala, ang suspect na nakilala lamang sa alyas na ‘Kojack’ kasama ang walo pang kalalakihan na pawang miyembro ng TBA (True Brothers Style) fraternity ay mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-3:45 ng madaling araw ng maganap ang kaguluhan sa panulukan ng Dapitan at Algeciras St., Sampaloc, Manila.

Nabatid na ang biktima ay tumatayong adviser ng kabilang grupo na binansagang ATV (Against the Violence) na kalaban naman ng grupo ng mga suspect.

Nauna rito, inimbitahan ng isang nakilalang ‘ET’ ang biktima na kumain sa isang tapsilogan sa naturang lugar. Lingid sa kaalaman nito ay inaabangan na siya ng mga suspect.

Nang makita ang biktima ay agad itong kinuyog ng mga suspect. Binugbog at pagkatapos ay kinaladkad papunta sa riles ng tren at doon binagsakan ng hollowblock sa mukha.

Aktong babarilin pa sa ulo ng isa sa mga suspect ang biktima nang dumating naman ang ka-grupo nito na sumaklolo kaya mabilis na nagsitakbo at nagsitakas ang mga suspect.(Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments