Namatay habang ginagamot sa loob ng Pasig City General Hospital ang biktimang nakilalang si Ana Cahindi, ng Salandanan St., Malasaga, Brgy. Pinagbuhatan, ng nabanggit na lungsod.
Kasalukuyan rin namang nakaratay sa nabanggit na pagamutan dahil sa malubhang kondisyon ang kanyang kapitbahay na sina Jasmin Ann Asuncion, 4 at Michael Soriano, 22. May 28 pa ang ginagamot sa ibat-ibang klinika.
Sa ulat ni Supt. John Sosito, hepe ng Pasig Police, isang tawag ang kanilang natanggap dakong alas-7:30 ng gabi kamakalawa buhat sa mga residente ng Villa Miguela, Villa Alegre, Purok Malasaga at karatig lugar ukol sa umalingasaw na amoy ng kemikal na kanilang nalanghap.
Sa isinagawang imbestigasyon, sinabi ng isang Felix Tajan, residente sa lugar na matagal na umano nilang inirereklamo sa DENR at sa Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang ChemPhil Corporation sa may Elisco Road, Brgy. Kalawaan.
Nadiskubre na wala umanong anti-pollution device ang tatlong reactor chimmey ng naturang pabrika at ito ay naisyuhan na ng cease and desist order ngunit kataka-takang hindi pa naipapasara.
Sinabi naman ni Julie Funclara, supervisor ng planta na nagkaroon ng pagtagas sa ginagamit nilang sulfur gun at dahil dito ay agad naman nilang itinigil ang operasyon at sinabing wala naman sa kanilang mga trabahador ang naapektuhan ng kumalat na nakalalasong gas. (Ulat ni Danilo Garcia)