Lalaki nahuli ni kumpareng sinipingan si kumare, sinaksak

Malubhang nasugatan ang isang 39-anyos na lalaki matapos itong saksakin ng kanyang kumpare nang madatnan nitong nakahiga ang una sa kanilang kama katabi ang misis ng huli, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.

Kasalukuyang ginagamot at nasa kritikal na kondisyon sa Jose Reyes Memorial Hospital ang biktimang si Edrelin Apostol, ng 128 Gen. Malvar St. Bagong Barrio ng nasabing lungsod.

Kaagad namang nadakip ang suspect na si Robert Raymundo ng Dalisay St., Maypajo, matapos ang nasabing insidente.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-2:30 ng madaling araw ng maganap ang insidente sa loob ng bahay ng suspect.

Tuluy-tuloy umanong pumasok sa loob ng kanilang kuwarto ang suspect subalit laking gulat nito nang madatnan ang kanyang kumpare na nakahubad nang pang-itaas at katabi ang kanyang misis at magkayakap pa.

Dahil sa nasaksihang hindi magandang tagpo ay mabilis na kumuha ng patalim ang suspect at inundayan ng saksak sa tiyan ang biktima. Natigil lamang ang kaguluhan ng dumating ang mga kapitbahay nito na siyang umawat sa suspect. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments