2 Tsinoy timbog sa P4-M halaga ng shabu

Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Western Police District (WPD) ang dalawang Chinese national na pinaniniwalaang miyembro ng Hong Kong triad sa isinagawang buy-bust operation, kahapon ng madaling-araw sa Quirino grandstand sa Luneta, Manila.

Kinilala ni WPD chief, Col. Nicolas Pasinos Jr. ang nadakip na mga suspect na sina Eli Co Yan, 24, sales representative at naninirahan sa 24 Fatima St., Valenzuela City at Jacky Ang Lee, 25, turista, pansamantalang nanunuluyan sa nabanggit ding lugar. Ang dalawa ay kapwa tubong Pokkien, China.

Nasamsam sa mga ito ang may dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng apat na milyong piso.

Nabatid sa ulat na dakong alas- 4 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng District Intelligence and Investigation Division ng WPD sa parking space sa harapan ng Quirino Grandstand sa Luneta.

Dumating sa naturang lugar ang mga suspect lulan ng isang Honda Civic na may plakang UTJ- 153 na pumarada sa isang madilim na bahagi ng grandstand at doon isinagawa ang buy-bust operation. Isang kilong shabu ang itinakdang bibilhin ng poseur-buyer ng pulisya.

Nasamsam din sa loob ng sasakyan ng mga suspect ang isang kilo pa ng shabu at ang lahat ng nasabat ng mga awtoridad ay umaabot sa halagang P4 na milyon.(Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments