35 anyos binoga dahil sa droga

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang suspect ang isang 35-anyos na lalaki dahil sa umano’y onsehan sa droga kahapon ng hapon sa Quiapo, Manila.

Idineklarang dead-on-the-spot sa pinangyarihan ng krimen sanhi ng tinamong tama ng punglo sa ibabang bahagi ng kanang tenga at itaas na bahagi ng kanang dibdib ang biktimang si Datuina Mamalapat, 35, tubong Maguindanao at walang tiyak na tirahan.

Samantala, nagawa namang makatakas ng armadong suspect matapos ang pamamaslang.

Nabatid sa imbestigasyon ni Det. Steve Casimiro, ng WPD Homicide Section, dakong alas-2 ng hapon nang maganap ang insidente sa panulukan ng Gunao at Globo de Oro St., Quiapo.

Nauna rito, nabatid na kahapon ng umaga ay nakita ang biktima na pagalagala sa lugar ng Quiapo na animo’y balisa.

Habang naglalakad sa panulukan ng Gunao at Globo de Oro, bigla na lamang itong nilapitan ng isang armadong lalaki at sa hindi mabatid na kadahilanan ay agad na binaril ng huli ng dalawang beses ang biktima.

Matapos masiguro na patay na ang biktima ay agad na tumakas ang suspect.

Gayunman, patuloy pa rin na iniimbestigahan ng pulisya ang mga anggulong onsehan sa droga ang motibo sa naganap na pagpaslang. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments