6 katao patay sa sunog sa QC

Anim katao ang iniulat na nasawi, kabilang dito ang dalawang paslit sa naganap na sunog kahapon ng umaga sa isang apartment sa Barangay Pinyahan, Quezon City.

Sa isinagawang imbestigasyon ni Inspector Samuel Tadeo ng Central Fire Department, ang sunog ay nagmula sa bahay ng biktimang si Violeta Robles, 28, sa No. 54 -F Malakas St., ng nabanggit ding barangay.

Kasamang nasawi ni Robles, isang nursing graduate sa Far Eastern University (FEU), ang kanyang 5-anyos na anak na nakilalang si Toti at ang katulong nito na nakilala lamang sa pangalang Sabeth.

Tatlo pa sa mga nasawi ang hindi mabigyan ng kumpirmasyon ang pagkakakilanlan.

Lumitaw sa imbestigasyon na ang sunog ay naganap dakong alas-6:30 ng umaga subalit agad din namang naideklarang under control dakong alas-7:20 ng umaga. Umabot ang sunog sa ikatlong alarma.

Ayon kay Tadeo, ang sunog ay nagsimula sa sala sa unang palapag ng 2-storey apartment subalit hindi pa matiyak kung ano ang pinagsimulan nito.

Ayon pa sa arson investigator na maaaring ang mga biktima ay na-trap sa loob ng bahay dahil sa walang fire-exit ang naturang apartment.

Si Robles ay natagpuang patay sa loob ng kanyang kuwarto, samantalang ang lima pang biktima ay natagpuan sa kabilang kuwarto.

Binanggit pa ng pulisya na hindi nila isinasantabi ang posibilidad na nagkaroon ng ‘foul play’ sa nangyari sa mga biktima dahil umano may nakitang Liquefied Petroluem Gas (LPG) malapit sa pintuan ng apartment.

Ayon pa sa mga kapitbahay ni Robles na bago naganap ang sunog ay narinig nila na nag-aaway si Robles at ang sinasabing kinakasama nito na pinangalanan nilang si Philip Ilustre.

Inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman si Ilustre sa naganap na sunog.

Gayunman, patuloy pa rin ang masusing pagsisiyasat sa naganap na sunog. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments