P.2-M halaga ng pekeng pera nasabat sa bra

May P.2 milyong halaga ng mga pekeng pera na itinago sa bra ng isang babae ang nasamsam ng mga awtoridad habang ito ay papasok sa check-in counter ng Phil. Airlines sa Manila Domestic Airport patungong Cagayan de Oro City, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Chief Supt. Marcelo Ele Jr., hepe ng Phil. National Police-Aviation Security Group (PNP-ASG) ang suspect na si Emma Lomangcolob, tubong Marawi City at pansamantalang naninirahan sa Bagong Silang, Caloocan City.

Nasamsam buhat sa suspect ang may 197 piraso ng tig-iisang libo o kulang-kulang sa P197,000.

Si Lomangcolob ay nakatakdang sumakay sa Air Philippines flight 2P 531 kahapon dakong alas-3:15 ng madaling araw patungong Cagayan de Oro City nang mahuli.

Nabatid na habang dumadaan ang suspect sa security check, nakapa ni Agnes Agbayani, isang non-uniformed personnel ang kakaibang tigas at laki ng dibdib ng suspect.

Bunsod nito inimbitahan si Lomangcolob sa investigation room at pinaghubad ng kanyang blusa kung saan tumambad ang bungkos ng pekeng pera na nakalagay sa bra nito.

Kasalukuyang inaalam ng mga imbestigador kung ang suspect ay may kaugnayan sa mga bandidong Abu Sayyaf. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments