Misis binoga ng adik na mister, patay

Matapos magpahayag ng intensiyong makipaghiwalay sa kanya, binaril at napatay ng isang hinihinalang sugapa sa droga na mister ang kanyang misis na siya pa ngang bumubuhay sa kanya bilang entertainer sa Japan matapos ang kanilang pagtatalo, kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.

Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang tumakas na suspect na nakilalang si Roldan Mutuc, walang trabaho at residente ng Barangay Addition Hills, Mandaluyong City matapos barilin ang kanyang asawa na si Virginia, 33.

Sa ulat ni SPO1 Virgilio Reyes, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi kamakalawa sa loob ng bahay ng mag-asawa. Nagtatalo umano ang mag-asawa dahil sa bisyo ng lalaki na sugapa sa droga.

Dahil sa matinding pagtatalo inihayag ng biktima ang kanyang intensiyong makipaghiwalay nang tuluyan sa kanyang mister dahil sa hindi na niya matiis ang pahirap nito sa kanya.

Ilang sandali pa ay narinig ang isang putok ng baril hanggang sa mabilis na lumabas ng bahay ang lalaki. Nagduda ang kanilang mga kapitbahay kaya mabilis nilang tinungo ang bahay ng mag-asawa hanggang sa makitang nakahandusay ang babae.

Ang biktima ay mabilis na isinugod sa Mandaluyong City Medical Center ngunit hindi na umabot pang buhay dahil sa isang tama ng bala na tinamo sa dibdib. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments