Dahil sa naging desisyon ng korte, agad na iniutos ni Caloocan City Police chief, Supt. Benjardi Mantele na mailipat sa city jail ang suspect na si Alex Ilagan, 32, isang masahista matapos mapatunayan ng korte na may mabigat na ebidensiya at batayan upang kasuhan ang suspect ng pagnanakaw at pagpatay sa biktimang si Tadao Hayashi.
Ang desisyon ng prosecutors office ay isinagawa sa kabila ng pahayag ng tiyuhin ng suspect na si Al Umali na hindi ang kanyang pamangkin ang nasa likod ng pamamaslang sa naturang international musician dahil ito ay kinatulong niya na gumawa sa kanyang bahay noong araw na sinasabing naganap ang krimen.
Magugunitang isang Reynaldo Ortillano, kapitbahay ng biktima ang nagsabing si Ilagan ang nakita niyang huling kausap ng nasawi na pinapasok pa ng huli sa kanyang bahay isang araw bago matuklasan ang krimen.
Patuloy na pinagdidiinan ng suspect na wala siyang kinalaman sa kaso. (Ulat ni Angie dela Cruz)