Galit na galit na sinugod ni Rep. Benasing Macarambon ng ikalawang distrito ng Lanao Del Sur, kasama ang kanyang mga bodyguards upang komprontahin si Daisy Malang, ahente ng BoC dahil sa pagkumpiska nito sa 4.5 kilong alahas mula sa mga muslim.
Magugunita na kinumpiska ni Malang buhat kina Sarip Abdulhakim Saripa at Omar Dimaronsing Matuan, mga pasahero ng Kuwait Airlines ang nasabing mga alahas nang hindi nito idineklara para makaiwas sa pagbabayad ng kaukulang buwis.
"Stop harassing may muslim brothers and treat them fairly like you treat the christians, and are you a civil service eligible?" pagalit na tanong ni Macarambon kay Malang.
Ang dalawang muslim ay nagsumbong kay Macarambon na sila ay pinaghubad hanggang sa kanilang underwear nang makita sa kanilang bagahe ang mga alahas.
Nagkataon na nandoon ang tatlong opisyal ng BoC na sina Commissioner Titus Villanueva, Deputy Commissioner Ray Allas at Atty. Lina Molina, Deputy Collector for passenger services sa NAIA para idepensa si Malang.
Humupa lang ang galit ng kongresista ng ito ay samahan ng tatlong opisyal kasama ang ilang mamamahayag sa loob ng closed circuit television at pinatunayan na walang katotohanan ang sumbong ng dalawang Muslim. (Ulat ni Butch Quejada)