Patay na bago dumating sa Rizal Medical Center ang biktimang si Joel Olanday, residente ng Rosario Ortigas Extension dahil sa tinamong tama ng bala sa kaliwang bahagi ng katawan.
Samantala ang pulis na nakabaril at nakapatay ay si PO3 Sande Baybayon, nakatalaga sa Pasig Criminal Investigation Division, nagtamo rin ito ng mga pasa sa kaliwang braso dahil sa paghataw ng tubo sa kanya ng mga kasamahan ni Olanday.
Inaresto naman ang mga kasamahan ni Olanday na sina Joselito Liperada, 23; Greggy De Sola, 18 ; Edwin Olanday, 24; at Romeo Decena, 20.
Sa pagsisiyasat ng pulisya na pumasok ang grupo ni Olanday sa Jazzrose Videoke na matatagpuan sa De Castro St., Bgy. Rosario, Pasig City dakong alas-3:45 ng madaling araw.
Pagkalipas ng dalawang oras na pag-iinuman ay nalasing umano ang grupo ni Olanday at nagwala ang mga ito ng singilin sa bill nitong P 3,000.
Kaya naman tumawag ang may-ari ng bar ng mga pulis na nagresponde sa nasabing lugar.
Nang dumating si PO3 Baybayon sa nasabing lugar ay pinakiusapan nito ang grupo na bayaran na lamang ang kanilang chit at puwede na silang makauwi.
Subalit nilundag ng grupo ni Olanday si Baybayon at pinaghahataw pa ito ng tubo kaya naman binunot nito ang kanyang baril at nag-warning shot.
Hindi napigil si Olanday at inagaw umano nito ang baril ng pulis na naging dahilan upang mapilitang barilin siya. (Ulat ni Lordeth Bonilla)