Nasawi noon din ang suspect na nakilalang si Richard Balangitao, na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo at likod. Nilalapatan naman ng lunas sa Ospital ng Makati ang isa pa nitong kasamahan na si Raymund Solomon, 28.
Samantala, nagawa namang makatakas ng isa pang suspect na nakilala lamang sa alyas Ryan.
Nabatid na ang grupo ng mga suspect ay nakasagupa ng mga awtoridad kahapon ng madaling araw matapos na mambiktima ang mga ito ng tatlo katao.
Una nilang hinoldap ang biktimang si Allan Bataller, 26, na naglalakad noon sa may Makati Avenue. Tinutukan ng mga suspect ng patalim ang biktima at puwersahang kinuha ang cellphone nito na isang Nokia 3210.
Hindi pa tumigil sa kanilang operasyon ang tatlo at muling nang-agaw ng cellphone sa Barangay Guadalupe Viejo sa Makati rin at naging biktima ang magkaibigang sina Dennis Mallari at Christian Yangco na inagaw ang cellphone na isang 3210 at isang 3310.
Dahil sa nakuha ng mga biktima ang plaka ng kotseng sinasakyan ng mga suspect ay agad nila itong ipinagbigay alam sa pulisya.
Hindi nagtagal naispatan ng mga nagrespondeng pulis ang sasakyan ng mga suspect na dito nagkaroon ng habulan hanggang sa makarating sa Merville Subdivision sa Parañaque.
Binanggit pa sa ulat na imbes na sumuko ay pinaputukan ng mga suspect ang mga pulis hanggang sa magpalitan ng putok ang magkabilang panig na dito tinamaan ang dalawa sa mga suspect.
Isa sa mga suspect na si Ryan ang nagkunwaring malubha at nagawang tumalon at tumakas sa madilin na bahagi ng C-5. (Ulat ni Lordeth Bonilla)