Patuloy ang pagtaas ng mga mamamayang nasasangkot sa droga

Patuloy na lumalala ngayon ang bilang ng mga taong sangkot sa droga matapos na makaaresto ang mga elemento ng Eastern Police District (EPD) ng tinatayang 143 drug user at pusher sa loob lamang ng buwan ng Hunyo.

Ayon kay Supt. George Alino, EPD director, 108 sa mga nahuli ay pawang mga user kung saan marami sa mga ito ang inirekomenda sa mga rehabilitation center habang may 35 naman sa mga ito ang mga kilabot na pusher at sinampahan na ng kaukulang kaso sa korte. Resulta umano ito ng 94 na buy-bust operation ng pulisya.

Idinagdag nito na umaabot umano sa 100 katao ang naaresto ng pulisya kada buwan ngunit pinakamalaki ang buwan ng Hunyo. Sa kabuuan, meron nang higit sa 800 katao ang naarestong mga user at pusher mula noong Enero hanggang Hunyo. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments