Ang pahayag ay ginawa ni Belmonte bunsod na rin ng pangamba ng ilang negosyante sa lungsod na baka magtaas ito ng pagbubuwis para makabangon sa pagkakautang ang Quezon City.
Binigyang-diin ni Belmonte na walang dapat ikabahala at ipangamba ang mga taga-lungsod partikular na ang mga mamumuhunan dito sa pagtataas ng buwis dahil hindi ito magaganap sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Marami anyang mga kaukulang program ang kanyang ipatutupad sa lungsod na hindi tatamaan ang mga mamamayan dito, bagkus uunlad ang kanilang kabuhayan.
Ang ilan lamang dito anya ay ang pagwawalis sa mga 15-30 consultants ni dating QC mayor Mel Mathay at pagsasaayos ng sistema ng tax collection na walang maapektuhang residente dito at mga kalakal.
Binunyag din ni Belmonte na maraming extension office ng city hall ang walang supply ng kuryente dulot ng malaking pagkakautang sa Meralco.
Patuloy anya ang pag-iibayong ginagawa ng bagong pangasiwaan ng city hall para higit na mapahusay ang serbisyo sa publiko na ito umano ang isa sa plataporma ng kanyang pangasiwaan. (Ulat ni Angie dela Cruz)