Ka-chat-mate hinalay ng Kano

Nawasak ang pinakaiingatang puri ng isang 24-anyos na dalagang probinsiyana, matapos itong gahasain ng isang Amerikano na ka-chatmate niya, kamakailan sa Makati City.

Ang biktima na itinago sa pangalang Josie, ng San Pedro Extension, Bukana, Davao City at graduate ng kursong Banking and Finance ay pansamantalang nanunuluyan sa Block 5, Phase 3, Gumamela St. Imus, Cavite.

Samantala, ang suspect ay nakilala naman sa pangalang Derrick Lee. 38, na pansamantalang tumutuloy sa 2407 Millenium Plaza, Makati Avenue, Makati City at hanggang sa ngayon ay nakakalaya pa.

Base sa sinumpaang salaysay ng dalaga kay PO1 Evangeline Babor, ng Makati City Police, nagkakakila umano sila ng suspect sa pamamagitan ng pagcha-chat niya sa computer ng siya ay nasa Davao pa.

Sa pamamagitan din ng computer hinikayat siya ng dayuhan na lumuwas ng Maynila para sila magkita at susunduin pa umano siya sa domestic airport.

Nagkita naman sa Maynila ang dalawa at dinala ng suspect ang biktima sa tinutuluyan nitong condominium.

Hindi akalain ng biktima na may masamang mangyayari sa kanya, matapos itong ikulong ng apat na araw ng suspect at paulit-ulit siyang ginahasa nito.

Binantaan pa umano siya ng dayuhan na papatayin kung magsusumbong sa mga awtoridad.

Nagkaroon lamang ng pagkakataong makatakas ang dalaga nang umalis ang nasabing dayuhan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments