Doktor na palpak sa plastic surgery, arestado

Matapos ang mahabang panahong pagtatago sa batas, nadakip ng magkasanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang isang doktor na nagpapangit ng mukha ng pasyente nitong engineer matapos na pumalpak ang isinagawang plastic surgery may dalawang taon na ang nakakalipas.

Ang inaresto ng mga awtoridad ay si Dr. Rene Valerio, ng Quezon City. Ito ay dinakip sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas ni Judge Ofelia Arellano-Marquez ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) Branch 37.

Dinakip ang suspect sa loob mismo ng tahanan nito, kamakalawa matapos na magtago ng ilang taon sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Samantala, nakilala naman ang biktimang si Engr. Dionisio Salvador, 63, ng Concepcion, Marikina City.

Batay sa testimonya ng biktima, noong 1991 umano ay nasangkot siya sa isang ‘car accident’ na naging dahilan ng pagkasira ng kanyang mukha at maiba ang hugis nito.

Makalipas pa ang ilang taon ay nagpasya siyang sumailalim sa operasyon para bumalik ang dating maganda niyang mukha sa tulong ng naturang doktor na espesyalista sa surgery.

Hiniling din umano ng pasyente sa suspect na gawin siyang mas bata ng 20 taon.

Gayunman, nang isakatuparan ang operasyon ay nalagay lamang siya sa intensive care unit matapos na hindi tumigil ang pagdugo ng kanyang mukha at tuluyang madeporma ang hugis nito.

Walong araw umano siyang inobserbahan sa ICU at nagbayad pa siya ng kaukulang halaga na P500,000 operation fee sa suspect taliwas sa napagkasunduan nila na P100,000 na kabayaran.

Dahil dito, nagsampa ang biktima ng P4 milyong damage suit laban sa doktor, subalit mula umano ng simulan ang pagdinig sa kaso ay hindi na dumalo ang doktor at nagtago na ito sa iba’t ibang panig ng Metro Manila kaya nagdesisyon ang korte na magpalabas ng arrest warrant laban sa kanya. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments