Sa sinumpaang affidavit na inihain kay State Prosecutor Melvin Abad, sinabi ng testigong si SPO2 Noel Seno, dating tauhan ni Sr. Supt. Glenn Dumlao na noon ay Sr. Inspector pa lamang na simulat simula pa ay kasama na siya sa operasyon laban sa pagtugis sa nasabing gang.
Nabatid kay Seno na isa siya sa advance party na ipinadala ni Dumlao sa may entrance ng Superville Subdivision sa Parañaque City kung saan malapit ito sa hideout ng lider ng Kuratong Baleleng na si Wilson Soronda na kanilang sasalakayin.
Matapos ang may dalawang oras na pag-aantabay ng grupo ni Seno, dumating naman ang raiding team kasama ang tropa ng binuwag na Traffic Management Command(TMC) at ng mga kagawad ng Central Police District na may back-up na armored fighting vehicle ng PNP-Special Action Force(SAF) at sila ay nagtungo sa safehouse ni Soronda at nakita niya umano ang maraming kalalakihan na nakagapos, nakaposas at nakapiring ang mga mata na pawang nakadapa sa sahig.
Matapos ang ilang minuto, bago umalis ay nakita pa umano ni Seno sina Sr. Supts. Francisco Zubia at Romeo Acop at kanilang mga bodyguards sa nasabing lugar. Nang umalis ang nasabing raiding team ay convoy umano ang mga ito patungo sa Camp Crame kabilang ang mga gang members sakay ng dalawang L-300 van.
Nagtungo naman si Seno sa kanyang quarters sa nasabing kampo upang magpahinga. Makalipas umano ang ilang oras bago mag-umaga ng sumunod na araw ay nagising si Seno dahil sa isang radio message mula kay Insp. Abelardo Ramos na nag-uutos sa kanya na magtungo agad sa TMC compound.
Nang nasa compound na umano ito ay nakita niya ang mga pulis na di-unipormado at kasama sa umanoy sinabihan din ni Ramos na maghintay ng utos mula sa mga opisyales ng PNP kaugnay sa ginawa nilang raid sa Parañaque.
Matapos ang ilang sandaling paghihintay ay bumaba umano si Ramos sa mga nag-aantabay na pulis at sinabi na gagawa sila ng senaryo.
Dahil dito, kinausap ni Seno si Ramos upang personal na tutulan ang plano ng mga opisyal at sinabi nito na maraming testigo na nakakitang sinalakay ng mga ito ang hide-out ni Soronda kasabay ng pagkakaaresto sa mga Kuratong suspect subalit iginiit umano ni Ramos na wala siyang magagawa kundi ang sumunod sa mga opisyal.
Matapos na ma-briefing ang mga pulis, sila ay agad na nagtungo sa Quezon City kasama umano si Sr. Supt. Micheal Ray Aquino (noon ay Chief Inspector), dating Hepe ng Task Force Habagat ng binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PACC) sakay ng isa pang L-300 van kasama ang mga nadakip na gang members.
Nang makarating ang mga ito sa flyover ng Commonwealth Avenue, huminto ang dalawang L-300 van at inutusan ang ibang pulis na bumaba sa naturang sasakyan.
Kasunod nito ay agad na pinaulanan ng bala ang kinalululanang sasakyan ng mga Kuratong suspect.
Matapos ang ilang minuto ay nakita ni Seno na dumating si Lacson na noon ay nakasuot ng civilian clothes sakay ng isang Lite Ace van. Ilang araw matapos ang nasabing insidente ay inutusan umano ni Zubia si Seno kasama ang ibang pulis na magsumite ng affidavit na sumusuporta sa ipinalabas nilang After Operations Report na nilagdaan ni Acop at Lacson. (Ulat ni Paolo Romero)