Dumulog sa tanggapan ng WPD General Assignment Section ang biktima na nakilalang si Gamar Tamay y Kader, 37, may-asawa, tubong Lantawan, Basilan at residente ng Tatalon, Quezon City para magsampa ng reklamo laban sa limang hindi pa nakikilalang mga suspek.
Sa ulat ng pulisya ay kararating lang ng biktima sa bansa matapos ang ilang taong pagtatrabaho bilang OFW sa Saudi Arabia kaya nakaipon ito ng P 200,000.
Pinasyalan bandang alas 4:00 ng hapon ng biktima ang kanyang pinsan na nakatira sa Islamic Center sa Quiapo na si Espaldon Agga Ladjasali at sumakay sila ng taxi pauwi sa kanyang bahay sa Quezon City.
Huminto ang sinasakyang taxi ng mga ito sa kanto ng P. Casal St. at Claro M. Recto Avenue ng magkulay pula ang traffic light ng huminto sa tabi nila ang isang abuhin at tinted na salamin ng Honda Civic (TGX-457).
Bumaba mula sa Honda Civic ang dalawang armadong lalaki at pumasok sa taxi ng magpinsan at nagpakilalang mga pulis at nagpahayag ng holdap.
Pinagbintangan ang magpinsan ng dalawang lalaki na sila ay mga miyembro ng Abu Sayyaf sabay senyas sa taxi driver na paandarin ang taxi habang nakasunod ang Honda Civic.
Pagdating sa likod ng Ever Gotesco ay dito na umano pinahinto ang taxi at kinuha ng mga suspek ang pera at pagkatapos ay lumipat na ito sa kanilang Honda Civic na may lulan pang dalawang lalaki at isang babae. (Ulat ni Grace Amargo)