Ayon kay Supt. Jose Gentiles, hepe ng Mandaluyong City Police, ipinasa na nila sa BSP ang kanilang mga nakumpiskang ebidensya na tatlong pekeng P1,000 bills para sa counterfeit examinations.
Sinabi ni Gentiles na nakipag-koordinasyon na sila noong Biyernes sa mga ahente ng BSP na sina Reynaldo Paday at Edmundo Leopoldo, ng Cash Department na siyang mga mamumuno sa isasagawang imbestigasyon.
Naniniwala si Gentiles na posibleng hindi lang sa Mandaluyong kundi kalat na sa Metro Manila ang illegal na operasyon ng mga sindikato sa pekeng pera kaya ipinasa na nila ito sa BSP.
Sa isang impormasyon, nagmula umano sa isang negosyante ang mga pera na nakabase sa Port Area, Manila. Ang pekeng P500 bill ay ipinagbibili sa halagang P100 habang mas mataas naman ang halaga ng pekeng P1,000.
Dalawa sa nakumpiskang P1,000 bill ay ibinayad sa Rodman Kitchenette, isang restaurant na pag-aari ng isang Ely Miranda, ng anim na lalaki noong Martes. Dali-daling umalis ang mga suspek at hindi na nila kinuha ang kanilang sukli bago madiskubre na peke ito at computer printed. (Ulat ni Non Alquitran)