3 Yakuza gang member,tiklo sa NAIA

Tatlo pang miyembro ng Yakuza Gang ang kaagad na ipinatapon ng mga kagawad ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport nang tangkain nilang pumuslit papasok ng bansa sakay ng Japan Airlines flight 741 buhat sa Narita, Japan.

Kinilala ni Tom Natividad, BI Special Assistant on Airport Intelligence Operations ang mga dayuhan na sina Takao Nagasawa, 48, may hawak na Japanese passport no. TE7592010; Junichi Tomita, 40, may Japanese passport no. MQ8586681 at Masayuki Tomidokoro, 50, hawak ang Japanese passport no. TE1111413.

Sa isinagawang imbestigasyon nina Rudy David, BI Senior Intelligence officer at Intelligence agent Fortunato Manahan, Jr., habang nakapila umano ang tatlo sa isa sa mga immigration counters, napansin ang kakaibang ikinikilos ng mga ito.

Dahil dito, inanyayahan ang mga dayuhan sa tanggapan ng BI para sa isang routine questioning.

Nabatid mula kay David at Manahan na ang pangalan ng tatlo ay kasama sa master list ng mga blacklisted na dayuhan. Ipinagmatigasan naman ng tatlo na sila ay mga negosyante sa Japan at nagpunta sila sa Pilipinas bilang lehitimong turista.

Tinangkang itago ni Tomidokoro ang putol niyang daliri sa pamamagitan ng pagsusuot ng artipisyal na daliri na gawa sa hard rubber subalit napansin ito ni David.

Bukod dito, tadtad din ng tattoo ang katawan ng mga Hapon, isang palatandaan na sila ay kasapi sa Yakuza gang. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments