Dead-on-arrival sa PNP hospital sanhi ng isang tama ng bala ng baril sa kaliwang bahagi ng katawan at mga pasa sa mukha at katawan ang biktimang si SPO4 Alejandro Valdez, 41, may asawa, nakatalaga sa Caloocan PNP ng Phase 4, Package 2, Bagong Silang, lungsod ng Caloocan.
Kasalukuyan namang nakakulong ang mga suspek na sina Reynaldo Ramirez, 47, negosyante ng 3534 La Fortuna Subd., Camarin; Dave Mitra, 35, may asawa, driver, ng 679 Diamond St., Camarin; at Fabian dela Cruz, 35, negosyante ng Area A Camarin, nasabing lungsod.
Sa ipinarating na ulat ni Caloocan Police Chief Supt. Benjarde Mantele sa opisina ni NPDO Director Senior Supt. Vidal Querol, naganap ang insidente bandang alas-11 ng gabi sa kahabaan ng Capt. F. Samano Road, Almar, Camarin.
Nabatid na binabagtas ng kotse ng biktima at ng mga suspek na lulan naman ng itim na van na may plakang URH-855 ang nasabing kalsada nang biglang magkasagian ang kanilang mga sasakyan.
Ayon sa mga nakasaksi, mabilis na bumaba ng kanyang kotse ang biktima gayundin ang mga suspek ngunit sa halip na makipag-usap ng maayos, pinagtulungan nilang gulpihin ang biktima nang magpakilala ang una na isa siyang alagad ng batas.
Hindi tinigilan ng mga suspek hanggang sa lupaypay na nakahandusay sa kalsada ang biktima. Hindi pa nakuntento, isa sa mga suspek ang bumunot ng service firearm nito na kalibre .45 at saka pinaputukan ang biktima na tinamaan sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan.
Kaagad na nagresponde ang mga pulis at naaresto ang tatlong papatakas na suspek habang ang biktima ay kaagad na isinugod sa nasabing pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay. (Ulat ni Gemma Amargo)