Mag-anak patay sa sunog

Isang pamilya na binubuo ng apat katao ang iniulat na nasawi sa naganap na sunog, kamakalawa ng gabi sa bayan ng Taguig.

Base sa ulat na tinanggap ni Inspector Edgar Villanueva, Fire Marshall ng Taguig Fire Department ang mga nasawing biktima na sina Carlito Andal, 37,ang misis nitong si Linda, 34 at mga anak na sina Charlie, 4 at Melenio, 1. Ang mag-anak ay naninirahan sa panulukan ng Kalayaan at P. Mariano Streets, Barangay Ususan, Taguig.

Base sa imbestigasyon ni SFO1 Ramon Biazon, nagsimulang kumalat ang apoy dakong alas-7:11 ng gabi sa naturang lugar sa tinatayang 30 kabahayan.

Nabatid na ang pamilya Andal ay nasa loob na ng kanilang bahay at dahil sa takot at pagkataranta ay hindi na nagawa pang mailigtas ang kanilang mga buhay buhat sa lumalagablab na apoy.

Inaalam pa ng pulisya kung sa bahay ng mga ito nagmula ang sunog.

Ganap na alas-9:30 ng gabi nang maapula ang sunog.

Hindi pa mabatid ng mga awtoridad kung ano ang pinagmulan nito at kung magkanong halaga ang natupok sa naganap na sunog. (Ulat ni Lorderth Bonilla)

Show comments