Sa isang pulong balitaan sa Malacañang, ikinatuwiran ni Justice Secretary Hernando Perez na hindi hadlang sa kaso ang pagkakahalal kay Lacson bilang senador.
Nilinaw ni Perez na si Lacson ang itinuturong utak sa Dacer case ng nadakip na si Supt. Glen Dumlao na isang opisyal ng binuwag na PAOCTF.
Kasabay nito, pinabulaanan ng Malacañang ang alegasyong ginigipit si dating PNP chief at Senator Panfilo Lacson.
Ikinatuwiran ni Perez na ang nagsangkot at nagtuturo kay Lacson ay si Supt. Dumlao na dati nitong tauhan sa binuwag na PAOCTF at hindi sila kaya hindi maituturing na ito ay isang panggigipit.
Samantala, ibinasura kahapon ng Manila court ang restraining order petition na iniharap ni Senator -elect Panfilo Lacson para pigilan ang DOJ sa pagbubukas ng Kuratong-Baleleng massacre case.
Tinanggihan ni Judge Herminia Pasamba ng Manila Regional Trial Court Branch 40 ang nasabing petisyon ni Lacson na kamakalawa lamang ay nagtagumpay na makakuha ng TRO sa sala ni Judge Hermogenes Liwag ng Branch 55.
Magugunitang kaiba sa naging desisyon ni Pasamba, ang desisyon ni Liwag ay pahintuin ang DOJ sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa kidnapping at murder case ni Lacson.
Sa kanya namang desisyon, ikinatuwiran ni Pasamba na walang dahilan upang ihinto ang pagbubukas ng kaso ng Kuratong-Baleleng na hindi naman nalitis.
Nakatakda namang iapela ng mga abogado ni Lacson ang naging desisyon sa Supreme Court. (Ulat nina Ely Saludar at Jose Aravilla)