Coed todas sa cellphone gang

Isang college student ang hindi na nagawa pang makapasok sa eskuwela sa pagbubukas ng klase kahapon makaraang mabaril at mapatay siya ng dalawang lalaking miyembro ng ‘Agaw Cellphone Gang ‘, kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.

Hindi na umabot pang buhay makaraang isugod sa Lourdes Hospital ang biktimang nakilalang si Dominic Morano, 21, binata at estudyante ng Don Bosco College sa Mandaluyong.

Nagtamo ito ng ibat-ibang tama ng bala ng baril sa katawan na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Sa ulat ni PO3 Fernando Aguilan, may hawak ng kaso naganap ang insidente dakong alas-11:15 ng gabi sa tapat ng ACA video sa panulukan ng Haig St., Extension at Shaw Boulevard.

Nabatid na ginagamit ng biktima ang kanyang cellphone na Nokia 3210 nang biglang tigilan ng dalawang lalaking nakasakay sa isang motorsiklo at biglang hablutin ang kanyang telepono.

Nakapitan naman umano nang mahigpit ng biktima ang cellphone sabay ang pagsigaw ng saklolo, dahilan naman para siya barilin ng mga suspect.

Matapos bumulagta ang biktima mabilis na tumakas ang dalawang suspect. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments