Animoy isang no bearing fight ang naganap kahapon ng madaling araw nang gulpihin ng lasing na boksingero ang isang 26-anyos na tsuper habang nag-aabang ito ng masasakyan sa lungsod ng Mandaluyong.
Nakilala ang suspect na boksingero na si Elbert Caano, 26, licensed boxer ng Mandaluyong stable at stay-in sa municipal gymnasium sa lungsod.
Samantalang mistulang lamog na nagkulay talong ang mukha at katawan ng kanyang biktimang si Aldrin Sanchez, ng Pasay City.
Sa ulat ng pulisya, nag-aabang ng masasakyan ang biktima at ang kaibigan nitong si Joven Bendra, 20, sa may Boni Avenue dakong alas-2 ng madaling araw nang biglang sumulpot ang lasing na suspect kasama ang isang lalaki na miyembro umano ng Mayors Action in Command (MAC) sa City Hall.
Sinabi ng biktima na hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makalaban makaraang ispreyan siya ng tear gas ng hindi nakilalang ahente ng MAC ang kanyang mga mata.
Dito naman siya sinunud-sunod ng matitinding suntok sa katawan ni Caano hanggang sa tuluyang maparalisado na ang biktima. Napigilan lamang umano ang panggugulpi nang magsisigaw sa paghingi ng saklolo ang kaibigan nitong si Bendra at rumesponde ang nagpapatrulyang pulisya.
Agad na dinala sa pagamutan si Sanchez, habang naaresto naman ang boksingero na nangako namang nakahandang bayaran ang biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)