Pintor, kinatay ng kapitbahay

Isang 40-anyos na pintor ang tinadtad ng saksak ng kanyang kapitbahay dahil lamang sa paninira sa asawa ng kaibigan ng huli sa Sta. Ana, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Hindi na umabot pang buhay sa Philippine General Hospital bunga ng tinamong walong tama ng saksak sa dibdib at leeg ang biktima na si Severino Rivera, Jr., binata, tubong Bataan at residente ng Onyx St., Sta. Ana.

Kusang sumuko naman sa pulisya ang suspek matapos ang isinagawang krimen na nakilalang si Ernesto Cesar, may-asawa, 53, vendor ng nasabi ring lugar.

Sa isinagawang imbestigasyon ni Det. Edgardo Lingcong, may hawak ng kaso ng Western police District-Homicide Division, naganap ang pananaksak dakong alas-12:00 ng madaling-araw sa loob ng car wash shop sa nabanggit ring lugar.

Nabatid na lasing umano ang biktima ng magtungo ito sa tindahan ng suspek at nang makita ang asawa ng kaibigan ng huli na si Rosalie Esteban, 37, sinabihan niya ang babae na makipaghiwalay na ito sa kanyang asawa sa di-malamang kadahilanan.

Nang marinig ni Cesar ang ginawang paninira ni Rivera, Jr. sa kanyang kaibigan na asawa ni Esteban, ay agad nitong sinita ang una.

Pinagsabihan ni Cesar si Rivera na itikom na lamang niya ang kanyang bibig.

Dahil dito, napikon at nainsulto naman si Rivera at hinamon ng suntukan si Cesar na hindi naman pinatulan ng huli.

Lalong nagalit si Cesar at pinagbabato ang tindahan na pag-aari ng biktima.

Umalis si Rivera upang umiwas na lamang at nagtungo ito sa car wash shop at nakipag-inuman sa ilan niyang kapitbahay.

Lingid sa kanyang kaalaman ay nasa likuran na niya si Cesar na armado ng patalim at sunud-sunod na inundayan ng saksak ang biktima. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments