"Agaw-cellphone gang" sugatan sa PSG

Agaw-buhay ngayon ang isa sa apat na miyembro ng "Agaw Cellphone Gang" matapos itong mabaril ng isang sundalo na nakatalaga sa Presidential Security Group, kahapon ng madaling-araw sa Makati City

Nakilala ang suspect na si Hermoso Pedrasa, walang permanenteng tirahan. Ito ay nagtamo ng isang tama ng bala sa katawan.

Samantala, ang nakabaril ay nakilalang si Sgt. Benjamin Guanzon.

Base sa imbestigasyon ni PO3 Rio Bucalan, ng Homicide section, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw kahapon sa kahabaan ng EDSA Avenue, sa Barangay Guadalupe Nuevo.

Naglalakad si Guanzon sa nabanggit na lugar nang biglang sumulpot ang limang lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng "Agaw Cellphone Gang". Bigla umanong inagaw ng mga suspect ang cellphone ni Guanzon at dahil dito mabilis na binunot ng PSG ang kanyang baril at pinaputukan ang mga suspect na mabilis na tumakas. Gayunman minalas na tamaan si Pedrasa. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments